MANILA - Seryoso ang Games and Amusement Board na makipagbalikatan sa Department of Health (DOH) at iba pang ahensiya ng pamahalaan na nakasentro sa programa para labanan ang COVID-19 para maisalba ang mga Pinoy pro athletes sa hikahos ng pamumuhay gayundin sa iba pang lisensiyadong individual sa pro sports.
Sinabi ni GAB Chairman Abraham ‘Baham’ Mitra na umapela ang ahensiya, kasama sina Commissioner Ed Trinidad at Mar Masanguid para maibalik unti-unti ang kabuhayan ng sektor ng pro sports na labis ding naapektuhan nang ipinatupad na quarantrine.
Batay sa datos ng GAB, may 18 pro sports event ang naipatigil sa loob ng tatlong buwang pakikipaglaban ng pamahalaan para maabatan ang pandemya.
Naisumite ng GAB kamakailan ang 59-pahinang dokumento sa IATF na naglalaman ng mga suhestyon para maibalik ang pro sports alinsunod sa medical at safety protocols na binuo ng GAB Medical Section, Boxing at iba pang combat sports division, Professional basketball at mga pro games division, horse betting division, Philippine Football Federation, Philippine Basketball Association, boxing promoters at managers.
Ikinagalak namang tinanggap ng IATF ang naturang dokumento at binigyan ng pagkakataon si Mitra na personal itong ipaliwanag sa isinagawang online video teleconferencing.
Ginamit ng GAB ang apat na ‘virtual simulators’ upang maipakita ang posibleng kaganapan sa muling pagbabalik ng PBA workouts at football games alinsunod sa proposed health and safety procedures.
Inutusan ng IATF si Mitra na kagyat na makipag-ugnayan sa DOH Technical Working Group upang magawa ang ‘draft’ para sa “Joint Administrative Order for the purpose of promulgating health and safety protocols for professional sports in accordance with the existing minimum health and safety guidelines published by the DOH”.
Sa inisyal na rekomendasyon ng DOH sa IATF,hiniling nito na limitahan ang pagsasagawa ng contact sports tournaments, games, at match habang wala pang epektibong medisina laban sa Covid-19.
"Whatever decision that the IATF will make, we will surely support and follow them," ani Mitra.
Kabilang sa nakibahagi sa telecon at nakarinig sa pahayag ng GAB sina IATF Chairperson and DOH Secretary Francisco Duque, gayundin sina IATF Co-Chairperson Secretary Karlo Nograles, DILG Secretary Ano, DICT Secretary Gringo Honasan, DOLE Secretary Belo, at iba pang miyembro ng IATF.(LP)