Hindi binigo ni Basheirrou ang kanyang mga tagahanga matapos manalo sa 2021 PCSO 2-Year-Old Maiden Stakes race na pinasibat sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite, noong Linggo ng hapon.
Ginabayan ni class A rider Kelvin Abobo, ipinuwesto nito si Basheirrou sa segundo upang panoorin ang bumabanderang si Enigma Uno na humarurot agad sa largahan.
Pagsapit ng far turn ay kumukuha na ng unahan si Basheirrou kaya naman nakalamang ito ng dalawang kabayo kay Enigma Uno sa huling kurbada.
Hindi na natinag sa unahan ang top favorite pagdating ng rektahan, lalo pang lumayo sa mga katunggali si Basheirrou para manalo ng may anim na kabayong agwat sa sumegundong Enigma Uno.
Nagtala ng impresibong tiyempong 7' 21' 22' 26' - 1:17.4 minuto sa 1,300 meter race si Basheirrou, sapat para kubrahin ng horse owner ang P600,000 premyo.
Nagkasya si Enigma Uno sa second place prize na P200,000 habang hinamig naman ng third at fourth placers na sina Tinago Falls at Hot Rot Hearts ang tig P100,000 at P50,000 ayon sa pagkakasunod.
Ang nasabing karera ay suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa magiting na pamumuno ni chairrman Reli de Leon.