Muntinlupa City - Hindi dapat sisihin ang mga trabahador kung hindi sila makapunta sa trabaho dahil hindi makapag-provide ng masasakyan ang kanilang kompanya o employer, ayon sa Palasyo.
Sinabi ni presidential spokesperson Harry Roque na kailangang magbigay ang mga kompanya ng shuttle services o kaya'y near-site accommodations para sa kanilang mga empleyado habang patuloy na suapendido ang paggamit ng pampublikong transportasyon sa Kalakhang Maynila at iba pang lugar na nasa ilalim ng modified enhanced community quarantine (MECQ).
“Kung wala po talaga silang masasakyan, I don’t think that can be taken against the employee,” ani Roque.
Nauna nang sinabi ni Trade Secretary Ramon Lopez na ang mga empleyadong hindi makapunta sa kanilang trabaho dahil sa walang masasakyan ay delikadong matanggal sa kanilang pinapasukan .
Gayunman, ani Lopez kailangang humanap ng paraan ang kapwa employers at empleyado para tugunan ang problema dulot ng kawalan ng public transport.
Ang Metro Manila, Laguna, Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga, Angeles City, Zambales at Laguna ay nasa ilalim ng MECQ hanggang May 31 maliban lang kung aalisin ng mas maaga o palawigin pa ng pamahalaan.(Elishah Pangilinan)