Isasagad na nina boxing prodigy Al Toyogon at kalabang Joe Tejones sa main event ang kani-kanilang natipong lakas at taktika sa ilang buwang pag-eensayo sa pinaka-aabangang pagratsada ngayon ng 2022 Bakbakan sa Ilocos Sur Pro Boxing at Pro Muay Thai and Mixed Martial Arts (MMA) tournament sa Quirino Stadium, Bantay, Ilocos Sur.
Handog ni Gov. Ryan Luis V. Singson, provincial government officials, inorganisa ng Elorde Boxing Stable Promotions sa pamumuno ni Maria Laureta Elorde at tampok na yugto ng sanglinggong selebrasyon ng Kannawidan 2022, sasagupa si Toyogon, kontra Joe Tejones sa tampok na bakbakan na kapwa pasok sa timbang kahapon sa isinagawang weigh-in sa patnubay at buong suporta ni Games and Amusement Board (GAB) chairman Baham Mitra, Jr. kasama si commissioner Eduard Trinidad.
"Maganda po at mayroon tayong isang lugar at kasamahan gaya ni Gov. Ryan na nagmamahal sa sports partikular sa boksing. Sana lahat ng gobernador ganyan, at siyempre sa tulong din ng sanggunian. Kami po sa GAB gusto po natin ang magkaroon ng mas maraming Philippines champion, " pahayag ni chairman Mitra, dating congressman at governor din ng Palawan.
Parehong pasok sa itinakdang timbang si Toyogon, 24 -anyos, ng Boxing Elorde Ilocos Sur, na 135 lbs. habang rumehistro si Tejones ng 133.4 lbs para sa 10 rounds na bugbugan.
"Sakto ang paghahanda ko sa labang ito, kaya't matira ang matibay sa amin ni Joe (Tejones), at higit akong nagpapasalamat sa ating Governor, kay Sir Ryan (Singson) at talagang buhos ang suporta niya sa amin, " bulalas ng tubong Cagayan de Oro na si Toyogon, may rekord na 11-6-1 at sa pangangalaga ni coach Rex Tito.
"Excited na tayong makita ang sagupaan ng ating mga bata (players) at naniniwala tayong magiging matagumpay ito sa tulong na rin ng ating mga kasamahan, gayundin kay chairman Baham, " ani Gov. Ryan na buong nagpapasalamat sa mga indibidwal na sumuporta sampu ng sanggunian para maisakatuparan ang naturang torneo na nagsisilbing finale ng 2022 Kannawidan Festival ng Ilocos Sur.
Inaabangan din ng mga kababayan ng tubong Sabang, Cabugao, Ilocos Sur ang paglarga ni Eusebio Corotan Jr., para itaya ang malinis na 3-0 baraha kontra Josaphat Navarro sa bantamweight division.
" Chance ko na po ito na muling maipamalas ang aking talento, gagawin ko ang lahat para manalo, " bulalas ng 18- anyos na prodigy ng Ilocos na si Corotan.
Pokus din ang madla sa iba pang pares ng banggaan sina Jules Victoriano vs Dave Barlas; Ranelio Duizo vs. Philip Cuerdo; Melvin Mananquil vs. Reymark Alicaba; Aljun Peliseo vs Fernan Agencia; Bryan Tamayo vs Ardel Romasasa; Gary Tamayo vs Jeffrey Francisco; Jover Amistoso vs. Justine Polido; Jonniel Laurente vs Jufel Salina; Elmar Zamora vs Carl Jeffrey Basil; Alexander Almacen vs Benson Awidan; at Ali Canega vs Menard Abila.
Hindi rin paawat ang giyera sa pro Muay Thai and MMA, kung saan kapwa pasok sa timbang para ibalandra ang husay nina Adrian Jay Batoto at Mark Joseph Abrillo ng Las Pinas ang kanilang gilas sa main event.
Kapanapanabik din ang dumugan para sa naggagandahang MMA women fighter gaya nina Florivic Montero vs Mary Glyde Elizabeth , Pro MMA (49kg) ; Richard Lachica vs Daryl Mayormita, Pro MMA, (63kg.); at Rosemarie Recto vs Gretel Depaz Pro Muay Thai (130lbs).
Magsisimula ang salpukan, na alay din ng mga isponsor gaya ng Kawadan, RLVS, Fairtex, Lightwater at iba pa, ng sakto alas-4 ng hapon.