Larga ngayon ang ika-20 “Usapang Sports on Air” ng Tabloids Organization in Philippine Sports (TOPS) kung saan nakatokang pag-usapan ang boxing, muaythai, football at e-sports.
Mangungunang bisita sina Tokyo Olympics campaigner Eumir Marcial at Muaythai Association of the Philippines secretary-general Pearl Managuelod sa pang-10 am na public service program.
Ibabalita ni Marcial ang patungkol sa kanyang training para sa kanyang nalalapit na laban kontra dating middleweight champion Daniel Jacobs sa California sa Nov. 27, gayundin ang paghahanda para sa Tokyo Olympics sa taong 2021.
Tatalakayin ni Managuelod ang paparating na Philippine Olympic Committee (POC) elections sa Nov. 27 at aktibidad ng muaythai association sa panahon ng pandemya.
Makakasama ni Marcial at Managuelod sina Maharlika Football Club founder Anton del Rosario at manager Choy Calunsod at e-sports personality Kaisaya.
Iniimbitahan ni TOPS president Ed Andaya ng People’s Tonight ang lahat ng miyembro at opisyales, kaibigan sa sports community na magpartisipa sa lingguhang diyalogo isponsor ng Philippine Sports Commission (PSC), Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) at Games and Amusements Board (GAB).
Ang TOPS ay kinabibilangan ng sports editors, reporters at photographers ng mga nagungunang pambansang tabloids sa Pinas. (LP/TOPS)