SMART Clark Giga City - Iginit ng NLEX Road Warriors na mahaba pa ang kanilang babaybayin sa bubble.
Namentina ng Road Warriors ang kanilang pag-apak sa selenyador para siluin ang matinding 124-90 pagdiskaril sa reigning PBA Philippine Cup five-peat champ San Miguel Beer, Biyernes sa Smart 5G-powered AUF Sports Arena, Angeles City, Pampanga.
Sanib-puwersang sinilaban ni Michael Miranda at kanyang katropa ang Beermen sa kanilang nag-aapoy na birada, at bahagyang ilapit sa mga nangunguna, hatag ang ikatlong sunod na panalo sa kartadang 4-5 panalo talo.
Dumapa ang Beermen sa 5-4 na may ikalawang sunod na talo matapos ang 103-110 kabiguan sa Phoenix Super LPG Fuel Masters, kamakalawa.
Halos may 19 oras pa lang mula sa kanilang matigtig na pagkabigo sa Fuel Masters, ngangatog-ngatog na lumaro ang Beermen at sinamantala ito ng Road Warriors para diktahan ang tempo ng laro.
Sinaniban ng kanilang umuusok na tirada, kumpletong dinomina nila ang wala sa 'wisyong karibal.
Ibinigay ni NLEX coach Yeng Guiao ang kredito ng kanilang suwabeng pasada sa magandang porma at ritmo na kanilang tinatamasa ngayon.
"Ang laki ng diperensya ng kundisyon naming from three weeks ago. We're a lot sharper and a lot more cohesive both on offense and defense now," ani Guiao.
Ang Road Warriors ay nanatiling nasa bingit ng Top Eight ngunit ani Guiao hindi naman sila nalalayo sa tinatahak na daan.
"I don't think may karapatan na kami to look further other than the next game," sabi ni Guiao.(LP/PBA)
The Scores:
NLEX 124 - Miranda 22, Alas 19, Quinahan 14, Ravena 14, Cruz 11, Semerad 10, Porter 9, Soyud 6, Ighalo 6, McAloney 5, Galanza 4, Paniamogan 2, Taulava 2, Ayonayon 0.
SAN MIGUEL 90 - Zamar 23, Pessumal 11, Tautuaa 10, Cabagnot 9, Ross 9, Santos 8, Comboy 8, Alolino 7, Mamaril 4, Gamalinda 1,De Guzman 0, Escoto 0.
Quarters : 36-25 ; 67-47 ; 91-65 ; 124-90.