- PBA
Hindi binigo ng bataan ni coach Bong Ravena ang nais niyang mangyari sa TnT, ang maagang brusko sa giyera.
Pero higit na ginamit ng Meralco ang enerhiya sa hulihan para gibain ang KaTropa, 95-83 Sabado at ipuwersa ang do or die saga sa kanilang PBA Governors Cup semifinals series sa Ynares Center sa Antipolo.
Binalangkas ni Baser Amer ang ratsada sa huling yugto sa ibinaong 10 ng kanyang 12 points na sinaniban ng tres, hindi lamang natulungang ipreserba ang suwabing performance ni Allen Durham kundi ang maselyuhan ang 2-all count sa best-of-five duel.
Napaliyad si Meralco coach Norman Black sa trinabaho ng kanyang tropa na kabalintunaan sa kanilang endgame performance sa Game 3 na nagresulta ng 97-101 pagkatalo.
"I'm proud of the way the players responded tonight under pressure," ani Black. "We were in a do-or-die situation where if we lost, we are going home. Everybody was really attentive in practice when it came to making adjustments for our game plan in this game.
Ang determinasyon ay sadyang ebidensiya sa pagtrangko ng astig na resbak matapos maupos 4-17 sa kaagahan.
Ang naturang umpisa ay sadyang nasustena alinsunod sa gustong mangyari ni Ravena para maselyuhan ang laban pero sa huli kinapos ang KaTropa.
Higit na binigyan ni Black ng kredito ang kanyang players.
"Our defense really held up unlike last game in the third quarter when we gave five three-point shots. That was one of the keys tonight," ani Black.
Sa katunayan ang TNT ay humakot lang ng pito sa kanilang 33 three-point shots at tanging 2-for-19 sa kabuuan ng second half, na naglagay sa kanilang purnadang 29-of-75 field shooting.
Sa kabila humugot ang Meralco ng 38-for-78 buhat sa field at kumalawit rin ng 52-38 rebounding advantage.
Magsisilbing ' matira ang matibay' ang bakbakan ng dalawang kampo, Lunes kung saan ang mananaig ang siyang makakaharap ng maagang tumuntong sa finals na Barangay Ginebra sa best-of-seven championship series umpisa Jan. 8, 2020.
Scores:
Meralco 95 - Durham 36, Amer 12, Newsome 10, Almazan 8, Maliksi 8, Quinto 7, Faundo 4, Hodge 4, Pinto 4, Caram 2, Jose 0, Jamito 0.
TNT 83 - McDaniels 26, Rosario 15, Castro 14, Parks 11, Pogoy 11, Reyes 3, De Leon 2, Semerad 1, Digregorio 0, Williams 0, Vosotros 0.
Quarters: 18-24, 51-45, 73-68, 95-83.(Louis Pangilinan)