Isa na lang sa Fighting Maroons 

Isa na lang sa Fighting Maroons 

Isa na lang sa Fighting Maroons 

Ni Louis Pangilinan 
Dumikit ang University of the Philippines na maidepensa ang korona nito, matapos ilugso ang pakpak ng  Ateneo de Manila University, sa  72-66 sa game one ng UAAP Season 85 Men's Basketball Tournament finals, Linggo, sa harap ng 18,211 fans sa SM Mall of Asia Arena sa Lungsod ng Pasay.
 
Isang panalo na lang ng Fighting Maroons para maitala ang  dalawang magkakasunod na titulo sa unang pagkakataon sa kasaysayan ng pamantasan. Maaari nilang sungkitin ang korona sa Miyerkules, Disyembre 14 sa SMART Araneta Coliseum.
 
“Defensively, we started well,” pahayag ni Fighting Maroons mentor Goldwin Monteverde. “Yung movement ng bola was really there. I like the way the team (was) looking for the open man. They had their run kanina but at least na-sustain naman namin nung bandang fourth (quarter).”
 
Tangan ng UP ang manipis na 58-56 edge sa 7:22 mark ng fourth quarter. Dalawang tres mula kay Harold Alarcon, gayundin ang mga basket nina Zav Lucero at Carl Tamayo, at naghatag  sa Fighting Maroons ng 68-58 cushion may 4:39 pa sa kontes.
 
Gayunpaman, malakas ang resbak ng Ateneo.
 
Nagawa ng Blue Eagles na i-trim ang deficit sa 65-70 na lang sa natitirang 2:13 salamat sa pagsisikap nina BJ Andrade, Josh Lazaro, at Ange Kouame.
 
Nag-convert ng isang free throw si Dave Ildefonso para putulin ang kalamangan ng UP sa apat na puntos na lang may higit isang minutong laruin. Nagkamali si Tamayo ng dalawang free throws at sinubukan ni Kouame na umiskor, para lang naharang ni Lucero ang kanyang pagtatangka.
 
Sa nalalabing 17 segundo, hindi nakuha ni Kouame ang desperadong tres habang si JD Cagulangan ay pinalamig ang laro sa dalawang charity.
 
“Preparing for Ateneo, alam naman namin kung anong klaseng team ang Ateneo. Hindi naman tayo talaga pwede mag-relax. We’ve always talked about it na playing against Ateneo, we should really play good defense,” dagdag ni Monteverde. (Louis Pangilinan/UAAP)
 
 
Iskor:
 
UP (72) - Lucero 14, Cagulangan 12, Alarcon 11, Diouf 9, Gonzales 8, Tamayo 7, Galinato 6, Spencer 5, Fortea 0, Abadiano 0.
 
Ateneo (66) - Padrigao 16, Kouame 15, Ildefonso 10, Andrade 10, Koon 9, Lazaro 3, Chiu 2, Gomez 1, Ballungay 0, Daves 0, Quitevis 0, Lao 0.
 
Quarters: 28-19, 42-35, 54-50, 72-66.