Bumuhos ng matikas na endgame rally ang defending champion University of the Philippines para kulatain ang third-ranked National University, 69-61, diretso sa pagbiyahe sa UAAP Season 85 men's basketball Finals Miyerkules sa Smart Araneta Coliseum.
Sumaltik ang madudulas na tanod ng nagdedepensang kampeon hanggang sa huli sina Terrence Fortea, Gerry Abadiano, at JD Cagulangan na pawang iniatang sa kanilang mga kamay ang mga huling ratsada na naging sanhi ng 61-58 deficit sa 66-61 lead may 53.3 segundo na lang ang natitira.
Unang gumawa ng patented mid-range jumper si Abadiano bago hatiin ni Fortea ang kanyang free throw para itabla ang laro sa 61.
Sinaklit ni dating Bullpup Abadiano ang handoff ni Omar John kay Kean Baclaan papunta sa fastbreak basket bago nag-drill si Cagulangan ng triple para tapusin ang walong sunod na puntos ng UP.
"We're happy that we'll be getting another chance to win the championship," sambit ni Fighting Maroons head coach Goldwin Monteverde.
"For the game, we started out flat. Losing Carl in the first half, he wasn't 100 percent, the team responded well to the challenge given to us," ani pa ng mahusay na bench tactician kung saan sumakit ang bukung-bukong ni Tamayo sa kalagitnaan ng unang yugto pero handa siya sa Finals ayon kay Monteverde.
Nagpamalas ng galing ang MVP frontrunner na si Malick Diouf na may 17 puntos, 21 rebound, at tatlong block, habang nagdagdag si Zavier Lucero ng 12 puntos, 11 rebound, limang assist, tatlong block, at dalawang steals.
Nakakuha si Gonzales ng 11 puntos, habang sina Cagulangan at Abadiano ay kumaldag ng walo at pitong puntos, ayon sa pagkakasunod. (Louis Pangilinan/UAAP)
Iskor:
UP 69 -- Diouf 17, Lucero 12, Gonzales 11, Cagulangan 8, Abadiano 7, Fortea 6, Tamayo 6, Alarcon 2, Spencer 0, Galinato 0, Torculas 0.
NU 61 -- Figueroa 16, Baclaan 14, Malonzo 11, John 8, Yu 2, Clemente 2, Enriquez 2, Mahinay 2, Minerva 2, Galinato 2, Manansala 0, Palacielo 0, Tibayan 0.
Quarters: 17-19, 35-38, 54-45, 69-61.