Swabeng resbak ang pinawalan ng University of the Philippines nang ipadanas nila ang mantsa ng kabiguan sa kartada ng National University, 75-63 sa second round sa UAAP Season 85 Men’s Basketball Tournament, Linggo sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.
Pinalawig ng UP ang kanilang winning streak sa apat na laro para ilista ang baraha sa 7-1 para sa unang puwesto. Sa kabilang bakod, laglag ang NU sa 5-3 record.
At kinailangan ng Fighting Maroons na maitaboy ang Bulldogs para maiwasan ang pagkaulit ng kanilang 75-80 loss nung October 12.
Babag sa 62-63 buhat sa and-one play ni PJ Palacielo may 4:33 mark sa final period, iginuhit ng Fighting Maroons ang 13-0 paglusob sa likuran ng dalawang jumper ni Carl Tamayo at sa pitik ni Cyril Gonzales para isalba ang kanilang sarili mula sa kanilang first round loss kontra Bulldogs.
Umiskor si Gonzales ng 15 points - 12 ang galing sa fourth quarter - habang nagbigay ng walong puntos at anim na rebounds si Tamayo.
“We tightened up on defense,” sambit ni UP coach Goldwin Monteverde. “Nung first half, ang daming dribble penetrations ng NU. The guys adjusted well and na-prevent namin yung mga madaming penetrations parehas sa first half.
“Maganda yung pagharap ng team namin sa fourth quarter, how we finished the game, so nanalo kami kanina," dagdag pa ng second-year Fighting Maroons coach. (Louis Pangilinan /UAAP)
Iskor:
UP (75) - Lucero 16, Gonzales 15, Spencer 11, Tamayo 8, Galinato 8, Diouf 5, Cagulangan 4, Abadiano 4, Fortea 3, Alarcon 1, Ramos 0, Calimag 0, Lina 0.
NU (63) - Malonzo 12, Enriquez 11, Yu 9, John 8, Baclaan 7, Manansala 4, Palacielo 3, Galinato 3, Clemente 2, Figueroa 2, Minerva 2, Mahinay 0, Tibayan 0.
Quarters: 21-22, 37-40, 54-52, 75-63.