Hotshots kumapit sa  Tour sweep, sinilab ang Fuel Masters, 111-91!
PBA

Hotshots kumapit sa  Tour sweep, sinilab ang Fuel Masters, 111-91!

Share to Facebook Share to Twitter Share to Google Plus
Ni Louis Pangilinan
 
Minanduhan  nina Jio Jalalon at Mark Barroca ang manibela para sapawan   ng Hotshots ang mainit na three-point shooting ng Fuel Masters tungo sa   pagpapanatili ng perpektong kartada  sa preseason series na itinawid  ng Arena Plus at itinataguyod ng Bingo Plus.
 
Kumapit si  Coach Chito Victolero at ang kanyang mga alipores   para mahalikan ang isang matamis na sweep o isang perpektong 11-0 na karta habang nakaiskedyul na  makipagkulitan sa Terrafirma Dyip Miyerkules sa parehong venue  sa San Juan.
 
Bumuhos si Jalalon ng 22 puntos sa itaas ng siyam na assists at apat na rebounds habang si Barroca ay nagtala ng 19 markers na may limang kalawit at kaparehong bilang ng assists para  makipkip ng Hotshots ang kanilang walang mantsang ratsada  kahit na wala ang ilang pangunahing bida  gaya nina Paul Lee at Ian Sangalang.
 
Naglagak ng solidong ayuda ang nagbabalik na si Aris Dionisio na may 15 puntos at walong rebounds habang si Jerrick Ahanmisi ay nagtala ng 11 markers para sa Hotshots na umani ng 45-percent overall clip para tiyagain  ang 16 three-pointers ng Fuel Masters.
 
 
Nag-rally ang Fuel Masters mula sa 22-point deficit at nanatili sa loob ng striking distance sa second half na may 16-of-44 three-pointers laban sa 9-of-36 clip ng Hotshots.
 
Pero nagpabaya ang Phoenix sa kanilang  trabaho, dahilan para bumagsak sa ikalimang sunod na talo at maisara ang 3-8 win-loss card.
 
Gayunman umaasa si Coach Jamike Jarin at ang kanyang tropa na magagawa nila ang isang mas mahusay na serbisyo  sa season proper sa pagbabalik ng mga pangunahing manlalaro sa pangunguna nina Jason Perkins at Raul Soyud. (LP/PBA)
 
Iskor:
 
Magnolia (111) - Jalalon 22, Barroca 19, Dionisio 15, Ahanmisi 11, Tratter 9, Eriobu 9, Dela Rosa 6, Mendoza 6, Abueva 4, Laput 4, Escoto 4,Corpuz 2, Murrell 0.
 
Phoenix (91) - Alejandro 24, Celda 21, Muyang 12, Garcia 9, Mocon 8, Perkins 7, Camacho 4, Fetalvero 3, Rangel 3, Atienza 0.
 
Quarterscores: 28-18; 55-52; 78-71; 111-91.