Bolts nilaglag ang Bossing sa OT, 102-98

Bolts nilaglag ang Bossing sa OT, 102-98

PBA

Bolts nilaglag ang Bossing sa OT, 102-98

Share to Facebook Share to Twitter Share to Google Plus
 
Balik ang swabeng lakas ng enerhiya ng Meralco sa paggapos ng magkasunod na dalawang panalo kaagapay ang bagong import na si KJ McDaniels bagamat kelangan pa ang ekstrang oras para hagupitin ang 'alang takot na kampo ng Blackwater.
 
Naligwak man ng Bolts ang kanilang 13 puntos na kalamangan sa huling yugto  ngunit naging patigasan ang salpukan sa overtime para pigain ang 102-98 win at umangat sa magkasanib na ika-10 sa PBA Commissioner's Cup elims sa Ynares Sports Center sa Antipolo.
 
Pumukol si Allein Maliksi ng isang go-ahead three-pointer pagkatapos sinaklob ni Aaron Black at McDaniels ang mga kinakailangan libreng buslo ng Bolts para ilugso ang Bossing at madugtungan  ang kanilang 92-89 pagsilat kontra  Bay Area Dragons noong nakalipas na isang linggo.
 
"We're still far from being a playoff contender. We face a difficult road ahead, but at least we gave ourselves a chance," saad ni Bolts coach Norman Black sa kahalagahan ng kanilang talikurang panalo kaniig si McDaniels.
 
Ani Black, magaling na player si McDaniels pero wala pa sa hinahanap na postura kung saan hindi naglalaro nang kontakin ito ng Bolts management.
 
 
"We want to keep improving. And if we can get KJ in better shape, we'll become a better team," sabi pa ng Meralco mentor.
 
 
Isang solidong  balikatan na ginatungan nina McDaniels, Maliksi, Black, Chris Banchero, Bong Quinto at Raymond Almazan ang nagbigay daan sa Bolts na maitaboy ang Bossing at sa proseso ay umakyat ng dalawang baitang para  sumusyo sa ika-10 puwesto kasama ang NLEX Road Warriors sa kartang 3-5.
 
Sa kanilang ika-apat na sunod na pagkatalo, si coach Ariel Vanguardia at ang kanyang mga tropa ng Blackwater ay bumaba naman sa ika-12 sa barahang 3-7.
 
Ngunit kahit wala sa tropa sina Troy Rosario, Jvee Casio at Baser Amer, naglatag ang Bossing ng tensyonadong  laban, kung saan si Cameron Krutwig ang nanguna sa koponan na may 23 puntos, 19 rebounds at anim na assist.
 
Sina Renato Ular, Trevis Jackson, Gab Banal at Mike Ayonayon ay umakma sa kanilang import na may double-digit  output nang itinulak nila ang Bolts sa limitasyon sa kanilang krusyal na giyera.
 (Louis Pangilinan/ PBA) 
 
Iskor:
 
Meralco 102 - McDaniels 26, Black 18, Bancheo 17, Maliksi 16, Quinto 12, Pasaol 6, Caram 4, Pascual 3, Almazan 0, Hodge 0.
 
Blackwater 98 - Krutwig 23, Ular 15, Banal 14, Jackson 14, Ayonayon 11, Taha 8, McCarthy 7,
Melton 3, Suerte 3, Dyke 0, Sena 0, Ebona 0.
 
Quarters: 21-15, 42-41, 67-64, 89-89, 102-98