Umangkla ang TNT sa plakadong mga kamay ni RR Pogoy para ilaglag ang NorthPort, 117-93 sa PBA Commissioner's Cup, Sabado sa Philsports Arena.
Tumikada si Pogoy ng sanrekwang 32 puntos, kabilang na ang malikmatang 8-of-9 tira sa ilalim at ang 21 naipukol sa ikalawang kanto para gatungan ang Tropang Giga na makabalik sa magarbong panalo, matapos ang malabangungot na 92-94 heartbreaker kontra Magnolia sa kanilang conference debut.
Kaakibat ang pagliwanag ng lakas ng TNT mula kay Pogoy na humarurot buhat sa dikit na 41-39 contest at akuin ang 58-44 distansiya diretso sa halftime break.
Balik eksena si Mikey Williams matapos mabangko dulot ng injury sa inisyal na aksiyon ng TNT at pagsanib ng puwersa ni import Cameron Oliver sa muling pagratsada sa aksiyon ng Tropang Giga para palawakin pa ang agwat sa 87-62.
Rumampa si Oliver ng 20 saliw ang 10 rebounds at limang assists habang sumalansan si Williams sa kanyang 19-7-6 para ayudahan ang ganadong si Pogoy.
"Aggressive lang talaga ako sa game kasi ang sakit ng pagkatalo namin last game," saad ni Pogoy, patungkol sa naging unang duwelo nila sa Hotshots kung saan tinambakan ang tropa ng 13 puntos.
Ruta sa kanilang tagumpay, ang malagkit na depensa ng Tropang Giga ang umipit kay NorthPort star Robert Bolick, na umiskor lang ng 14 sa 5-of-12 shooting makaraang nagpasabog ng 44 sa kanilang 101-95 upset ng Meralco noong Sept. 30.
"We really game-planned for Robert because he's really the heart and soul of their team. Even if the other guys scored, we're willing to swallow it to make sure we won't allow Robert to get going. That's a big part of the reason we won," sambit ni Reyes.
Iskor:
TNT 117 - Pogoy 32, Oliver 20, M. Williams 19, Tungcab 9, Erram 8, Montalbo 8, Cruz 7, K. Williams 6, Oftana 4, Rosser 4, Alejandro 0, Marcelo 0.
NorthPort 93 - Tolentino 19, Ibeh 18, Bolick 14, Chan 9, Ferrer 8, Santos 7, Sumang 4, Balanza 4, Salado 4, Taha 2, Calma 2, Caperal 2, Ayaay 0.
Quarters: 25-24, 58-44, 87-62, 117-93
(Photo credit by: Pba.ph)