Ibinuhos ng San Miguel Beer ang kanilang ibayong kisig laban sa mahabang paglalakbay sa kabiguan ng Blackwater, 107-88, para tunggain ang talikurang panalo at abutin ang .500 marka para sa unang pagkakataon sa Season 46 PBA Governors' Cup Sabado sa Smart Araneta Coliseum.
Sina CJ Perez (21 points) Marcio Lassiter (18), Vic Manuel (16), Terrence Romeo (13) at Simon Enciso (13) ang umako sa pagsalansan ng mga puntos para ituloy ng Beermen ang kanilang pag-angat mula sa 0-2 umpisa sa import-flavored conference biktima ang Bossing.
Naisakay ni Coach Leo Austria ang kanilang pag-angat sa dalawang magkasunod kabilang ang kanilang 91-88 eskapo kontra all-Filipino NorthPort noong nakaraang Linggo sa Ynares Sports Arena sa Pasig.
Ang kawawang resulta ang nagsadlak sa Bossing na lasapin ang 0-4, ang kanilang league-record losing streak sa 23 games overall buhat pa noong 2020 Philippine Cup bubble.
Ang sakalam na opensiba sa produksiyon ng mga lokal ang nagpa-alwan sa bigat ng tungkuling nakaatang kay SMB import Brandon Brown, na kumatas ng 12 pero kumalawit ng 14 rebounds, limang assists at 4 steals.(LP/PBA)
Iskor:
SMB 107 - Perez 21, Lassiter 18, Manuel 16, Romeo 13, Enciso 13, Brown 12, Fajardo 7, Pessumal 4, Zamar 3, Gotladera 0, Comboy 0, Tautuaa 0, Sena 0.
Blackwater 88 - Desiderio 16, McCarthy 14, Ebona 11, Baloria 10, Bond 9, Escoto 8, Chauca 7, Washington 6, McAloney 5, Daquioag 2, Paras 0.
Quarters: 35-22, 64-44, 80-66, 107-88.\
Photo Credits by:Pba.ph