PANSAMANTALANG sinuspinde ng Games and Amusements Board (GAB) ang lisensiya ng kontrobersyal na si Daniel de Guzman ng San Miguel Beer matapos isnabin ang ipinatawag na Zoom meeting ng ahensiya para talakayin ang isyu ng kinasangkutang game-fixing.
“He shall not be allowed to use his license in the meantime and if proven guilty he may loose his professional basketball players license,” pahayag ng dismayadong si GAB Chairman Abraham ‘Baham’ Mitra sa ipinadalang mensahe sa media kamakalawa.
“Daniel de Guzman didn’t appear in Gab virtual meet invitation today. For failure to appear he is now blocklisted and admin proceedings shall commence,” ayon kay Mitra.
Sa sulat na may lagda ni GAB professional sports division head Dioscoro Bautista, hiniling ng GAB ang presensiya ng bench player na si De Guzman sa Zoom meeting upang maipaliwanag ang kanyang posisyon sa naglabasang ulat na sangkot siya sa game-fixing sa laro ng San Miguel at Gineba nitong Setyembre 10 sa Bacolor, Pampanga.
Sa naturang laro, nagwagi ang Beermen sa crowd-favorite Kings, 111-102. Iisa ang may-ari ng naturang koponan na si Ramon S. Ang.
Lumutang ang senaryo ng game-fixing nang maging viral sa social media ang Facebooks messaging kung saan marami ang nagrereklamo na natalo sa pustahan sa kabila ng ibinigay umanong ‘tip’ ni de Guzman pabor sa Ginebra.
Itinanggi ni De Guzman, napili ng Beermen sa 2019 draft sa ika-42, ang pagkakasangkot sa game-fixing, ayon sa kanyang agent/manager na si Danny Espiritu.
Ayon kay Mitra hindi maga-atubili ang ahensiya na bawiin ang lisensiya ng professional athlete na mapapatunayang sangkot o gumawa ng kalokohan na ikasisira ng sports at ng liga.
“Hindi namin yan palalagpasin. Malaking kasiraan ito sa liga at sa pro sports,” sambit ng dating Palawan Governor at Congressman.
Sa kasalukuyan, inihahanda na ng GAB ang mga kasong isasampa laban sa mga players at opisyal na napatunayang gumawa ng game-fixing sa laro sa VisMin Cup Visayas leg.
“Tapos na po ang imbestigation natin sa VisMin Cup issues. Inaayos na po natin ang mgalegalk na proseso. May mapaparusahan tayo dyan,” aniya.