Bahagyang nagpakita ng kaastigan ang Meralco para sa pagwawakas ng kanilang elims round kasabay nang pagtulak sa Barangay Ginebra sa bingit ng kawalan matapos ang 79-66 panalo, Huwebes sa PBA Philippine Cup sa Don Honorio Ventura State University Gym sa Bacolor, Pampanga.
Parehong ginapos nina Mac Belo at Alvin Pasaol ang tig-15 puntos at pitong kalawit sa pagmando sa Bolts at bigwasan ang short-handed defending champions at diretso sa pang-apat na panalo mula sa dalawang linggong puwersahang bakasyon sanhi ng health at safety protocols ng liga.
Ginatungan ng Meralco ang boltahe sa mas gitgit na 104-101 win kontra NLEX nito lang Miyerkules na minarkahan ang No. 2 spot sa likod ng TNT patawid sa quarterfinals, sa pagtala ng 9-2 rekord sa pagtatapos ng kanilang biyahe sa eliminations at pinakamagandang elims finish na sa import-less tournament.
Ang matindi dumating ang tsansa na Ginebra squad pa ang nakalaban na tumalo sa Meralco sa kanilang tatlong kamakailang Governors' Cup finals na pagtatagpo at gayundin ang pagbaon kay coach Norman Black at kanyang alipores sa nakaraang taong semifinals sa Angeles City.
"We really just want to have the momentum going into the playoffs," ani Black. "We didn't want a loss going to the playoffs."
Ang resulta ng NorthPort-Alaska match ang magdedetermina ng makakalaban ng Phoenix sa knockout game sa Sabado para sa huling upuan sa quarterfinals. Kapag nanaig ang Batang Pier, ay makakalaban nito ang Ginebra. Kung manalo naman ang Aces, ito ang aareglo para sa Phoenix versus Terrafirma. (LP/PBA)
Iskor:
Ginebra 66 - Pringle 19, Standhardinger 17, Tenprio 11, Chan 7, Mariano 6, Devance 4, Dillinger 2, Salado 0, Tolewntino 0, Caperal 0, Enriquez 0, R, Aguilar 0, Holmqvist 0, Ayaay 0.
Quarters: 23-15, 47-32, 55-51, 79-66.