Magiging espesyal na bisita sina ASIA’S first grandmaster Eugene Torre at National Chess Federation of the Philippines (NCFP) executive director Atty. Cliburn Orbe sa ika-4 na edisyon ng “Usapang Sports on Air” hatid ng Tabloids Organization in Philippine Sports (TOPS) via Zoom.
Si Torre ang magsisilbing head coach ng 12-player Philippine team na pipiga sa unang FIDE Online Chess Olympiad na nakatakda ngayong July 22 hanggang Aug. 30.
Pag-uusapan ng 68-anyos na chess legend ang tsansa ng mga Pinoy sa prestihiyosong kompetisyon na organisado ng FIDE sa unang pagkakataon para labanan ang nakamamatay na coronavirus pandemic.
Habang si Orbe ay ibabalita ang hinggil sa World Chess Day celebrations at programa ng NCFP para makapagdiskubre ng maraming mga bagito at talentadong manlalaro.
Panauhin din sa pang alas-diyes na serbisyong publikong programa na inisponsoran ng Philippine Sports Commission (PSC) at Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) si University of the East coach Jean Alabanza.
Si Alabanza rin ang kasalukuyang coach ng Tanduay-sponsored Batangas team sa MPBL.
Inaanyayahan ni TOPS president Ed Andaya ng People’s Tonight ang lahat ng miyembro at kaibigan sa sports community na magpartisipa.
Si Veteran sportscaster Ernest Leo Hernandez ang moderator.(LP/TOPS)