Ni Marlon Bernardino
Itinanghal na kampeon si National Master (NM) Michael Jan Stephen Rosalem Inigo sa Philippine Batang Pinoy Blitz Chess Championship noong Nobyembre 24, 2024, sa Puerto Princesa City, Palawan. Kinatawan ni Inigo ang Lungsod ng Dumaguete at naiuwi niya ang gintong medalya matapos manguna sa torneo na nilahukan ng 85 kabataang chess players mula sa iba’t ibang panig ng bansa.
Nagtala si Inigo ng perpektong 5.0 puntos sa limang round ng Swiss system competition na may time control na tatlong minuto at dalawang segundo increment. Sunod-sunod niyang tinalo sina Juncin Estrella (Lungsod ng General Trias), Daniel Gil Eclavia (Zambales), Clint Calvin Atoc (Lungsod ng General Santos), Aaron Limpangog (Lungsod ng Davao), at Allan Gabriel Hilario (Lungsod ng Meycauayan).
Pumangalawa si Cedric Kahlel Abris, kinatawan ng Mandaluyong City, na nagtala rin ng perpektong 5.0 puntos. Tinalo niya ang mga kalabang sina Emmanuel Endrinal (Lungsod ng Cabuyao), Denver Billedo (Ilocos Sur), Carl Jasphyr Lloyd (Lungsod ng Digos), Jayrald Jade Antiporta (Lungsod ng Parañaque), at Lance Nathaniel Orlina (Negros).
Ayon kay National Arbiter Antonio Cruz Jr., nakuha ni Inigo ang titulo at gintong medalya dahil sa mas mataas na tie-break points laban kay Abris, na nagtapos bilang runner-up at nag-uwi ng pilak na medalya.
Si Inigo, isang 16-taong gulang na Grade 11 na estudyante ng Lyceum of the Philippines University Cavite International School, ay sinanay ng kanyang mga coach na sina Emerson Belardo Sayaman at Voltaire Marc Paraguya. Samantala, si Abris, 17 taong gulang na Grade 12 na estudyante ng La Salle Greenhills, ay nasa ilalim ng gabay ng coach na si Antonio Cruz Jr.
“Napakasaya ko sa panalong ito dahil halos lahat ng pinakamahuhusay na kabataang chess players sa bansa ay sumali sa torneo,” ani Inigo.
Samantala, nakuha ni Karlycris Clarito Jr. ng Pasig City ang tansong medalya matapos maungusan si Oscar Joseph Cantela ng Quezon City, na nagtala rin ng 4.5 puntos.
Sa team competition, napanalunan nina Cantela at Lenmuel Jay Adena ang gintong medalya para sa Quezon City. Ang silver medal ay napunta kina Clarito at Andrew James Toledo ng Pasig City, habang ang bronze medal ay naiuwi nina Rigil Kent Rosell Pahamtang at David Kiel Briones ng Lipa City.
Ang torneo ay pinangunahan ni GM Jayson Gonzales, CEO at Executive Director ng National Chess Federation of the Philippines (NCFP).-Marlon Bernardino-