Ni Marlon Bernardino
Porto Santo Island, Portugal—Nagkaroon ng masamang simula ang koponan ng Pilipinas sa chess matapos silang matalo sa kani-kanilang mga katunggali sa pagbubukas ng ika-32 World Senior Chess Championships noong Linggo, Nobyembre 17.
Tinalo si International Master (IM) Chito Danilo Garma (2217) ni Paul Obiahiwe ng Nigeria (1848), habang si FM Mario Mangubat (2052) ay natalo sa top seed na si GM Zurab Sturua ng Georgia (2502). Hindi naman naipareha si IM Jose Efren Bagamasbad.
Hindi nagawang mapanatili ni Garma ang kanyang lamang na isang piyesa at nagkaroon pa sana ng tsansang makuha ang tabla, ngunit nauwi ito sa pagkatalo sa kanilang laban na umabot ng 180 galaw gamit ang Reti Opening hawak ang itim na piyesa.
“Lamang na ako ng isang piyesa, tapos hindi ko napansin yung rook to e3 niya na mababawi pala ang lamang ko. Tabla pa sana kaso pinilit kong manalo,” ani ng 60-taong-gulang na si Garma mula Sampaloc, Manila, isang 2-beses na kampeon sa Asian Senior Chess Championships sa kategoryang 50 pataas.
Samantala, hindi rin napigilan ni Mangubat ang top seed na kalaban at napilitang magbitiw matapos ang 67 galaw ng Modern Defense gamit ang puting piyesa.
“Pinilit kong manalo kasi maganda sanang pa-birthday ito para sa akin. Tabla pa sana kaso gusto kong manalo,” ani Mangubat, na magdiriwang ng kanyang ika-66 na kaarawan sa Nobyembre 19.
Si Mangubat, na tubong Minglanilla, Cebu, ay kasalukuyang bronze medalist sa Asian Senior Chess Championships sa kategoryang 65 pataas.
Hindi naman nakalaro si Bagamasbad, 68, na residente ng Quezon City, sa unang round dahil sa pagkaantala ng kanyang flight mula Bangkok, Thailand. “Babawi ako sa 2nd round. Hindi tayo nakaabot sa round 1 dahil sa delay ng flight ko,” pahayag ng reigning back-to-back Asian Senior Champion sa kategoryang 65 pataas.
Naniniwala ang head coach at delegasyon ng Pilipinas na si Filipino at United States Chess Master na makakabawi ang mga Pilipinong chess player sa ikalawang round sa Lunes, Nobyembre 18.
Makakalaban ni Garma si Michael Hoffman ng Germany (1979), si Mangubat ay si Michael Strokes ng England (1900), at si Bagamasbad ay si FIDE Master Lester Van Meter ng United States (1858).
Ang kampanya ng mga Pilipinong chess player ay suportado ng Philippine Sports Commission na pinangungunahan ni chairman Richard Bachmann, commissioner Edward Hayco, at commissioner Olivia "Bong" Coo, gayundin ng National Chess Federation of the Philippines na pinamumunuan ni chairman/president Cong. Prospero Pichay Jr., CEO/Executive Director GM Jayson Gonzales, at ng Philippine Amusement and Gaming Corporation chairman Alejandro "Al" Tengco.
— Marlon Bernardino