Delfin naghari sa FIDE Standard Chess Tournament

Delfin naghari sa FIDE Standard Chess Tournament

Share to Facebook Share to Twitter Share to Google Plus

ni Marlon Bernardino
(Six Rounds Swiss System, 100 kalahok)
5.5 points---Joel Delfin, Jaime Criste, Jay Fortunado
5.0 points---John Paulo Medina, Gabriel Ryan Paradero, Jerlyn Mae San Diego, Allan Dolfo II
QUEZON CITY---Naghari si Joel Delfin sa pamamagitan ng tiebreak sa Amateur Chess at Starshots Coffee Standard Chess Tournament 2023 FIDE Rated 1799 and below sa Elyong's Restaurant sa Commonwealth, Quezon City noong Linggo, Agosto 13.


Nakisalo si Delfin sa una hanggang ikatlong puwesto kasama sina Jaime Criste at Jay Fortunado na may tig-5.5 puntos sa 30 minuto plus 30 segundong time control event na inorganisa nina G. Von Carlson Francisco at G. Amelito Reyes sa pakikipagtulungan ng Amateur Chess at Starshots Coffee na umakit 100 woodpushers.


Sa pinakamataas na tiebreak points, nakuha ni Delfin ang titulo, P6,000, tropeo, medalya at libro, pumangalawa si Criste na nakakuha ng P4,000, medalya at libro habang pumangatlo si Fortunado para sa P2,500, medalya at libro.
Ang pag-ikot sa top 7 na nakakuha ng tig-5.0 puntos ay sina John Paulo Medina (ikaapat), Gabriel Ryan Paradero (ikalima), Jerlyn Mae San Diego (ikaanim) at Allan Dolfo II (ikapito).


"Masayang-masaya ako sa aking tagumpay ngayong gabi," sabi ni Delfin, isang service associate na empleyado ng AI Express, at na nabansagang Blitz National Master dahil sa husay sa blitz event.
Si Delfin ay umiskor ng mga tagumpay laban kina Saimon Jess Contreras sa unang round, Sashkia Adiaton sa ikalawang round, Kenneth Namisato sa ikatlong round, Gabriel Ryan Paradero sa ikaapat na round at John Paulo Medina sa ikalimang round.
Hinati niya ang puntos kay Jerlyn Mae San Diego sa ikaanim at huling round.


Bandera ni Delfin ang koponan ng chess ng Al Express kapag nagsimula na ang 1st Professional Chess Association of the Philippines (PCAP) Inter-Commercial Team Championships sa Agosto 19, 20 at 26 sa Estancia Mall, Pasig City.
Nakatakda ring lumaban si Delfin sa Grandmaster Rosendo Carreon Balinas Jr. Open Chess Tournament sa Setyembre 30, 2023 sa ikalawang palapag ng Open Kitchen Foodhall, Rockwell Business Center, Sheridan Street, Mandaluyong City.-Marlon Bernardino-