MANILA, Philippines---Nakalusot ang Laguna Heroes kontra sa Cavite Spartans, 11.5-9.5 victory, sa third conference Professional Chess Association of the Philippines (PCAP) nitong Sabado, Setyembre 25, 2021 na virtually ginanap sa Chess.com Platform.
Panalo ang Laguna sa Cavite sa rapid game (8-6) sa pagrenda nina two-time Asian Junior champion Grandmaster Rogelio "Banjo" Barcenilla Jr., Grandmaster John Paul Gomez, Michella Concio at Kimuel Aaron Lorenzo na nagwagi sa kani-kanilang kalaban tungo sa 6-1 win-loss slate sa Northern Division.
Dehado man ng isang piyon ay napilit ni Barcenilla ang drawish position kontra kay Filipino at United States chess master Almario Marlon Quiroz Bernardino Jr. sa 41 moves ng King's Indian defense, pinayuko ni Gomez si Jaypie Bolado sa 42 moves ng Slav defense, masuwerteng namayani si Concio kontra kay Melizah Ruth Carreon via forfeiture dahil sa poor internet connection ng huli habang pinatiklop ni Lorenzo si Richard Cornell Manzano sa 46 moves ng Sicilian defense, Dragon Variation.
Sina Eliodoro "Louie" Polistico, Clark Dela Torre at Lourecel Hernandez Ecot ang nanguna sa Spartans sa importanteng panalo.
Pinayuko ni Polistico si Fide Master Jose Efren Bagamasbad sa 38 moves ng English Opening, winasak ni Dela Torre si Vince Angelo Medina sa 50 moves ng Vangeet Opening habang angat si Ecot kay Arjie Bayangat sa 78 moves ng Modern defense.
“ We're happy with the win. It was a tough match against Cavite," sabi ni Arena Grandmaster Dr.Fred Paez, isa sa apat na co-team owner ng Laguna Heroes na kinabibilangan nina Mr. David Nithyananthan ng KALARO, Engr. Benjamin Dy ng SDC Global Choice at Engr. Jonathan Mamaril ng Oregon, USA.
Tabla ang Heroes (3.5-3.5) sa blitz category kung saan nag marka ng panalo sina Barcenilla, Gomez at Lorenzo habang tabla si Bayangat.
Suportado ng Greatech Philippines, Inc., SDC Global Choice, Jolly Smile Dental Clinic, KALARO at Rotary Club of Nuvali ay tinalo din ng Laguna Heroes ang Cagayan Kings, 15.5-5.5.
Susunod na makakatapat ng Heroes ang Isabela Knight Raiders at ng San Juan Predators sa Miyerkoles.