KAMANGHA-MANGHANG TAGUMPAY NG CHESS WUNDERKID

KAMANGHA-MANGHANG TAGUMPAY NG CHESS WUNDERKID

KAMANGHA-MANGHANG TAGUMPAY NG CHESS WUNDERKID


by Marlon Bernardino
Maalala ninyo pa ba yung nagsimula bilang beginner sa chess, at sa loob lamang ng isang taon ay naging National Champion, Asian Youth medalist, Eastern Asia Silver Medalist, Woman Candidate FIDE Master at Batang Pinoy Champion? Ginawa na naman ito ng batang chess wunderkid.



Isang makasaysayang araw para sa Philippine chess nang magkampeon ang 10-taong gulang na babae mula sa Pasig City na si Woman National Master Nika Juris Nicolas sa National Youth and Schools Chess Championships Eliminations sa kategorya ng Under 11 Boys/Open noong Abril 16, 2023. Tinaguriang kauna-unahang babae na nakamit ang karangalang ito sa Under 11 Boys/Open Category ng nasabing chess tournament. Kahit mayroong hiwalay na kategorya para sa mga babae, si Nika lang ang nag-iisang babae na nakipaglaban sa Boys/Open Category.

Isang karaniwang stereotype na inuugnay ng maraming tao sa chess ay ang paniwalang mas mahirap talunin sa larong ito ang mga lalaki. Kahit walang matibay na batayan para sa paniwalang ito, ang World Chess Federation (FIDE) ay nagbibigay ng hiwalay na mga titulo para sa Boys/Open (Grandmaster, International Master, FIDE Master, at Candidate Master) na may mas mataas na kahingian sa FIDE rating kumpara sa mga titulo na eksklusibo lamang sa mga babae (Woman Grandmaster, Woman International Master, Woman FIDE Master, at Woman Candidate FIDE Master). Halimbawa, ang isang FIDE rating na 2500 ang kailangan upang makamit ang Grandmaster title. Samantala, ang FIDE rating na 2300 ang kailangan upang makamit ang Woman Grandmaster title.

Kaya naman, ang panalo ni Nika ay tunay na kamangha-manghang, lalo na sa larong chess na kung saan dominante ang mga lalaki. Sana ay mag-udyok ang kanyang tagumpay sa mas maraming mga batang babae na sumubok ng chess at tuparin ang kanilang mga pangarap.

“Patuloy na magbigay ng inspirasyon sa mga batang babae na naglalaro ng chess.” sabi ng kanyang masayang ina, si Atty. Nikki de Vega.

“Salamat Coach Lourecel Hernandez Ecot, Raul Miguel Damuy, Philippine Academy for Chess Excellence headed by GM Jayson Gonzales and WGM Janelle Mae Frayna, Pasig City with Mayor Vico at the helm together with Franco Camillo”, dagdag pa niya.-Marlon Bernardino-