FEU, Ateneo pasok sa Final Four

FEU, Ateneo pasok sa Final Four

FEU, Ateneo pasok sa Final Four

Inangkin ng Far Eastern University at Ateneo ang dalawang nalalabing silya sa Final Four sa men's division ng UAAP beach volleyball tournament  (Sabado) sa Sands SM By The Bay.
 
Umalagwa sina Vincent Nadera at Martin Bugaoan mula sa isang set down para talunin sina Dan Nicolas at Erl Eusebio ng University of the Philippines, 18-21, 24-22, 15-9, at napigilan ang matikas na paninindigan ng  De La Salle na sina Noel Kampton at Vince Maglinao sa unang set para umiskor ng 22-20, 21-12  panalo, na nagbigay sa Tamaraws ng 4-2 baraha.
 
Inilagak nina Jian Salarzon at Amil Pacinio ang Blue Eagles sa kanilang ikaapat na panalo sa pang - umagang salpukan nang walisin ang tambalan nina Kampton at Maglinao, 21-15, 21-16. Nakuha ng Ateneo ang 4-2 karta matapos yumuko sina Salarzon at Pacinio kina James Buytrago at Pol Salvador ng NU, 14-21, 11-21.
 
Nanatiling walang bahid ang reigning three-time men's champion University of Santo Tomas nang gumawa ng maikling pasada sina Jaron Requinton at Rancel Varga kontra kina Jake Abria at Allen Buensalida ng University of the East, 21-8, 21-4.
 
Tabla na ngayon ang Growling Tigers at  Bulldogs,  6-0 diretso sa mga aksyon ngayong  Linggo na magtatakda ng kanilang huling ranggo sa eliminasyon.
 
Sa iba pang laban ng men's sa umaga, nanguna sina Nicolas at Eusebio ng UP kina Francis Casas at Evander Novillo ng Adamson University, 21-12, 21-12. (Louis
Pangilinan/UAAP)