Pinoy tankers target wakasan ang dekadang tagtuyot ng SEAG gold

Pinoy tankers target wakasan ang dekadang tagtuyot ng SEAG gold

May sapat ng armas ang  Philippine swimming team para tapusin ang dekadang pagka-uhaw ng bansa sa gold medal pagsapit ng 30th Southeast Asian Games sa Nobyembre.

Ang mga Filipino tanker na binitbit ang bandila ng Pinas sa katatapos na  Fina World Championships, na sina Nicole Oliva, Luke Gebbie, Remedy Rule at James Deiparine ang mangunguna sa 27-man national squad para wakasan ang tagtuyot.

Kabilang din sa pasada ng Pilipinas sa naturang aquatics competitions sa Fina-approved New Clark City Aquatics Center sa Capas, Tarlac ay sina Olympians Jessie Khing Lacuna at Jasmine Alkhaldi at homegrown talents Jerald Jacinto, Rafael at Miguel Barreto.

Nabigo ang Pilipinas na makasisid ng gold medal mula pa nang si multiple gold-winner Miguel Molina ay nagretiro noong 2009 SEA Games sa Laos.

Hangad nina former  Palarong Pambansa standouts Xiandi Chua, Maurice Sacho Ilustre, Youth Olympian Roxanne Yu, Rosalee Santa Ana, Chloe Isleta and Thanya Dela Cruz na maisampa ang PH tankers sa ibabaw ng medal podium.

Nakasama din sina Alberto Batungbacal, Jonathan Cook, Jarod Hatch, Jean-Pierre Khouzam at Jaden Olson sa tropa matapos na manguna sa kani -kanilang mga event sa Philippine Swimming National Open sa NCC kamakailan.

Gayundin pasok sina   Rian Tirol, Desirae Mangaong, Jazlynn Pak, Joy Rodgers, Miranda Renner at Australian siblings Georgia at Thomas Peregrina sa Games na idaraos sa Nov.30-Dec. 11.

Batay sa nakaraang performances sa Fina world championships, hawak ni Rule, Gebbie at Deiparine ang mataas na probability na makahablot ng ginto.

Si Rule, ang all-American ng University of Texas sa US NCAA, ay hinawi  ang limang Philippine records sa world championships sa Gwanju, South Korea sa nakalipas na buwan.

Ang 24-year-old ay nakasampa sa Olympic Selection Time (OST) B-cut sa women’s 200m butterfly.

Si Gebbie, na ang ama ay nagmula sa  New Zealand, ay napinta rin ang national record men’s 100m free sa world championships sa tiyempong 49.94 seconds para sapawan ang OST B standard  na 50.3 seconds.

Samantala si Deiparine ay asam na laktawan ang parehong silver finishes sa 50m at 100m breaststroke noong  2017 SEAG sa Kuala Lumpur tungo sa golden performances. (Louis Pangilinan)