TNT unang pinutukan ang San Miguel
PBA

TNT unang pinutukan ang San Miguel

Share to Facebook Share to Twitter Share to Google Plus

Laro bukas
(Big Dome)
Game 2 Finals
7:00pm - TNT vs San Miguel

Rumaragasang pinasabog ng TNT KaTropa ang kargadong enerhiya para itumba ang San Miguel Beer sa game 1 ng kanilang PBA Commissioners Cup best of seven series Linggo ng gabi sa Big Dome.

Si Terrence Jones ang nagsilbing tagalatag ng patibong na nagpaputok ng 18 points sa umpisa pa lang ng giyera at pinalakas ang kanyang tropa ng 'alang puknat para paluhurin ng KaTropa ang Beermen, 109-96.

Naghuramentado si Jones sa kanyang kabuuang 41 points at karagdagang 12 rebounds, 8 assists sa gahiblang triple-double job, at iba pang TNT starters ang umayuda sa kanilang import na may pinagsamang 60 points sa pananalasa ng KaTropa.

Pintado ng TNT ang kanilang mga galaw para dominahin ang Beermen sa seryeng inaasahang balitaktakan. Dominante si Jones at kanyang katropa kung saan inangat ang 23 ungos, 97-74 sa pasimula ng huling kanto.

Pinarusahan ni Jones ang lahat ng kanyang defenders na inatang sa kanya na naging daan para ikalso ng Beermen ang zone defense sa second half pero wa' epek.

"We did great but we know it's just the first step in a long journey," ani Jones.

Klaro ang opening salvo ng KaTropa da pagtungkab ng 16-point pasabog sa first quarter at pinanatili ang alab hanggang sa huli para sa panalo.

Tinakluban ni Jones ang mga humarang sa kanyang sina Christian Standhardinger, Kelly Nabong, Arwind Santos, Von Pessumal at Chris Ross. (Louis Pangilinan)