Sa pag-alpas ng Philippine Basketball Association (PBA) Season 46 asahan nang isasalang din para sa league aficionados ang inisyal na 3×3 tournament.
Pinanday para higit na makatulong ang paglago ng palakasan sa bansa at ang itinutulak ng Pilipinas para mapabilang ang naturang disiplina sa Olimpiyada, nasa proseso ngayon ng liga na matuldukan ang pagdaraos ng event, na puntirya ang tatlong komperensiya ng tig-anim na yugto na irarampa para sa grandiyosong kampeonato.
Ayon sa PBA officials, lahat ng kasalukuyang competing teams sa PBA ay may isasabak sa 3×3 team, komontra para sa Alaska Aces na maglagay ng team, na ang kinatawan sa board na si Dickie Bachmann ay ang chairman ng isinusulong nang idadaos na torneo.
“When Governor Dickie was appointed the chairman of PBA 3×3, he also gave up Alaska in terms of the team joining the PBA 3×3. That’s a sacrifice for him as well,” sambit ni PBA Chairman Ricky Vargas sa briefing.
Bukod pa sa PBA teams, nakatakda rin ang 3×3 tournament na mag - host ng guest teams.
Sa kompetisyon, kada koponan ay pinapayagang maglatag ng anim na players kaakibat ang FIBA eligibility rules sa 3×3.
Hindi gaya sa regular PBA play, ang eligibility rules ay mas maluwag para sa 3×3 partikular para sa Filipino-foreign players.
Basta't ang isang player ay may hawak na Philippine passport, awtomatikong eligible bilang pambara sa nakagawiang pamamaraan na kumuha pa ng mga rekisitos na dokumento mula sa Bureau of Immigration and Department of Justice.
Sa gayung sistema, ito'y magbubukas ng mga posibilidad para sa mga manlalaro gaya nina Jason Brickman, Taylor Statham, Brandon Ganuelas-Rosser at Jeremiah Gray na maipamalas ang kanilang talento sa torneo.
Ang nasabing players ay sumali sa rookie draft ngayong taon, pero hindi sila pumasa sa mga hinihinging dokumento ng liga.