SMART Clark Giga City. - Suwabeng nailatag ng TNT ang kanilang karanasan, para tustahin ng Tropang Giga ang Phoenix Fuel Masters, 91-81 at wakasan ang duwelo sa semifinals para sumampa sa PBA Philippine Cup finals Biyernes sa Smart 5G-powered AUF Gym, Angeles City, Pampanga.
Muling pinasiklab ni Ray-Ray Parks ang kanyang mainit na kamao sa pagswak ng 25 points, 10 rebounds at 6 assists, ang 15 buslo dito ay galing sa huling kanto, responsable para sagkaang makahabol ang Phoenix at idatig ang lakas ng TNT na maitawid ang dalawang sunod na panalo sa serye.
Sa pagrolyo ng best-of-five duel, 3-2 , haharapin ng Tropang Giga ang mananaig sa pagitan ng Barangay Ginebra at Meralco sa best-of-seven championship umpisa sa Linggo.
"It's good to be back in the finals. I must commend the players... all of them. They really stepped up," sambit ni TNT coach Bong Ravena, dagdag pa na ang pagpalaot sa serye ng kanyang tropa ay makakatulong na mawakasan ang pitong taong taggutom sa kampeonato na kilala sa dating taguring All-Pinoy.
"Hats off to Phoenix," pahayag ni Ravena. "They really made us, you know, better every game that we played.
Kung gusto mong gumaling kailangan magaling din 'yung kalaban mo. It (series) helped us a lot. Salute to them."
Sadyang nahugot ng Phoenix ang pressure ng laban, na unang tawid lang sa semifinals na tangkang wasakin ang Big Dance buhat nang akuin ang dating Barako Bull franchise sa kalagitnaan ng 2016 season.
Pinukol ni Calvin Abueva ang 23 points, 13 rebounds, six assists at three blocks, pero kinapos ng ayuda ang iba pang bida ng Fuel Masters.
Tumipak si Matthew Wright ng 13 points ngunit tanging may 5-of-16 field shooting lang, si Jason Perkins ay may sariling double-double na 11 points at gayung dami din ng rebounds pero may apat na turnovers, habang nag-ambag lang si RJ Jazul ng walong puntos.
The Scores:
TNT 91 - Parks 26, Enciso 12, Washington 11, Pogoy 11, Castro 11, Erram 9, Carey 4, Montalbo 3, Rosario 4, Reyes 0.
PHOENIX 81 - Abueva 23, Wright 13, Perkins 11, Chua 9, Jazul 8, Heruela 7, Rios 6, Mallari 4, Garcia 0.
Quarters: 25-20; 40-34; 62-53; 91-81.