MANILA – Inihayag ng Department of Labor and Employment (DOLE), Huwebes, isang Pinoy seaman, isa sa 43 kataong nakasakay sa barko ang napaulat na nawawala ang natagpuan, ayon sa awtoridad.
Sa ulat na ipinarating kay DOLE Secretary Silvestre Bello III, kinilala ni Beth Estrada ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Osaka na ang nailigtas na overseas Filipino worker (OFW) ay si chief officer Edwardo Sareno.
“One Fil crewmember was found adrift at sea but alive. He is Chief Officer Edwardo Sareno,” sabi ni Estrada.
Idinagdag pa ng POLO official na naglunsad ang Japanese authorities ng search at rescue operations para matagpuan ang mga nawawala pang crew members.
“The Japanese Coast Guard continues to search for other missing crew using four rescue patrol boats, two airplanes and divers from the Haneda Airbase Special Rescue Team,” ani Estrada.
Kanya ring iniulat na natanggap nila ang distress signal madaling araw ng September 2 na ipinahatid ng cargo ship na naglalayag may 185 kilometers sa timog ng Amami Oshima, Kagoshima prefecture, ayon sa 10th Regional Coast Guard Headquarters.
Typhoon No. 9 ang nanalasa sa palibot ng karagatan sa mga oras na iyun, aniya pa.
Ani Estrada, ang Panama-registered freighter “Gulf Livestock 1” ay may tinatayang 43 crew members, kabilang na ang 39 Filipinos, dalawang New Zealanders, isang Australian at isang Singaporean.