Tinigpas ni Marco Almerez ng Davao ang mga bigating manlalaro ng poker sa bansa para makuha ang titulo sa Ronald V. Singson (RVS) Cup Philippine Poker Championship P5M Guaranteed Main Event at maibulsa ang P1.6M na premyo.
Tinalo ni Almerez sa heads-up play si Benjamin Mangaliman na tumabo naman ng P860,000. Sa final hand, nakalusot ang K-J suited ni Almerez laban sa A-9 off-suit ni Mangaliman matapos lumabas ang king sa flop.
Si Almerez ang unang poker player from Southern Philippines na nagwagi sa RVS Cup. Kabilang sa mga nalusutan niya sa final table ang World Series of Poker (WSOP) bracelet winner na si Mike “Tsoke” Takayama at ang multi-time Metro event winner Lester Edoc. Nagkasya na lang sa third place at P500,000 si Takayama at fourth place at P330,000 si Edoc.
Hindi lang sa main event kinapos si Edoc dahil sumegunda lang din siya sa karera para sa RVS Player of the Series trophy. Kung si Edoc ang nanalo sa main event ay malamang na nalampasan niya sana ang eventual winner na si Joven Huerto. Tumapos na may 4,004.2 points si Huerto habang may 3,640 naman si Edoc.
Nakuha ni Huerto ang bonus para sa RVS Player of the Series na libreng biyahe sa Boracay, kasama na ang 4D/3N stay sa The District Boracay.
Hindi lang natin alam kung gagamitin agad ni Huerto ang kanyang napanalunan dahil nalalapit na ang Asia Poker Tour (APT) Finale na nakatakdang ganapin mula Nobyembre 27 hanggang Disyembre 6 sa Resorts World Manila.
Sa mga sasali sa APT Finale, good luck sa inyo!