Hindi naging sagabal na maging pinaka maliit na hinete matapos gabayan ng apprentice jockey na si Mark Apolinario Lanot ang kabayong si In The Zone na winalis lahat ng mga nakatunggali upang makopo ang korona sa 2022 PHILRACOM "Open Invitational Race For Imported & Local Horses" na pinasibat sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas, Linggo ng hapon.
Sa gabay ni Lanot ay sinunggaban ni In The Zone, pag-aari ni Paolo Mendoza, ang unahan paglabas ng aparato subalit kinapitan naman siya ni A.P. Factor.
Nagtagisan ng bilis at lakas sina In The Zone at A.P. Factor hanggang sa kalagitnaan ng karera pero papalapit ng far turn ay umungos na ng isang kabayo ang winning horse na anak nina Eurozone at Woongarra.
Pagsapit ng huling kurbada ay nasa apat na kabayo na ang abante ni In The Zone at nang tumawid ito sa meta ay limang kabayo ang lamang nito sa pumangalwang Sudden Impact.
Nirehistro ni In The Zone ang 1:51.4 sa 1,800 meter race sapat upang ibulsa ang premyong P300,000 sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon.
Nakopo ni Sudden Impact ang P100,000 habang napunta sa third at fourth placers na sina Joyous Solution at Dragon Butterfly ang P50,000 at P25,000 ayon sa pagkakasunod.-Marlon Bernardino-
Makikita sa larawang ito si Mark Apolinario Lanot, apprentice jockey,kauna-unahang sumali at nanalo ng stakes race kung saan pinaka maliit sa lahat ng hinete.