PAGBUBUKAS NG 2019 SEA GAMES, EERE NG LIVE SA ABS-CBN

PAGBUBUKAS NG 2019 SEA GAMES, EERE NG LIVE SA ABS-CBN

  • SEAG

ABS-CBN Sports, ihahatid ang aksyon sa volleyball at football sa TV at online

Eksklusibong mapapanood sa ABS-CBN ang 2019 SEA Games opening ceremonies ng LIVE mula sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan sa Nobyembre 30 (Sabado) simula 6:50 pm, habang may livestreaming din sa iWant at replay sa S+A ng 10 pm.

Muli na namang bibida ang tapang, galing, at puso ng mga Pilipino sa pagsasagawa ng 2019 Southeast Asian (SEA) Games dito sa Pilipinas na ihahatid ng ABS-CBN Sports sa telebisyon at online.

Sa ABS-CBN S+A, LIGA, at iWant masusundan ang aksyon sa mga sikat na larong volleyball at football. Una nang napanood ang laban ng Philippine men’s football team kahapon (Nobyembre 25), habang mamaya  (Nobyembre 26) naman sisipa ang kampanya ng Philippine women’s football team ng 8 pm.

Inaabangan din ang pag-atake ng Philippine men’s volleyball team sa pangunguna nina Marck Espejo at Bryan Bagunas at Philippine women’s volleyball team nina Alyssa Valdez at Aby Marano sa kani-kanilang unang laban sa Disyembre 2 (Men’s) at Disyembre 3 (Women’s). Isa ring espesyal na dokumentaryong pinamagatang “Sambansa, One Country, One Goal” ang ipapalabas sa S+A sa Sabado (Nobyembre 30) ng 6 pm tungkol sa paghahanda ng women’s volleyball team upang magdala ng karangalan sa bansa.

Bukod sa volleyball at football, makakapanood rin ng highlights mula sa ibang sport tulad ng swimming, gymnastics, at track and field, at mga laban ng mga magwawaging Pinoy athlete sa “The Score,” na ipapalabas ng 9 am at 8 pm simula Disyembre 1.

Inaanyayahan naman ni ABS-CBN Integrated Sports head Dino Laurena ang publiko na ipakita ang kanilang suporta sa mga atleta sa panonood ng mga laro sa personal man, sa TV, o online. Aniya, maliban sa pagabot ng kanilang pangarap, hangad ng mga atleta ang magdala ng saya at pag-asa sa buong bansa.

Nauna nang inilunsad ng ABS-CBN ang National Cheer Campaign nitong taon upang magbigay pugay sa kagalingan ng Pinoy at pagisahin ang lahat sa pagsuporta sa ating mga pambato sa pamamagitan ng awiting “Isigaw Mo #GalingNatinIto.”

Para sa kabuuang iskedyul at iba pang balita sa 2019 SEA Games, tumutok sa S+A at sundan ang @ABSCBNSports sa Facebook, Instagram, at Twitter, o bumisita sa sports.abs-cbn.com. (Louis  Pangilinan)