Split decision kay Pacman; Pacquiao lalaban pa sa 2020!

Split decision kay Pacman; Pacquiao lalaban pa sa 2020!

Ni Louis Pangilinan
Las Vegas - Pinatunayan ni Pambansang Kamao Manny Pacquiao na hindi pa siya laos sa edad na 40 nang talunin niya via split decision ang dating undefeated at mas bagitong Si Keith " One Time" Thurman para angkinin ang WBA super welterweight crown kahapon sa dumadagundong na MGM Grand Arena sa Las Vegas.

Muling ipinamalas ng Pinoy legend ang kanyang markadong performance kasunod nang maitumba si Thurman sa unang round na sinaliwan ng di magkamayaw na sigawan ng 14,356 fans.

Gayunman nagawang humabol ng natoreteng si Thurman sa mga huling rounds ng salpukan para idikit ang pangunguna sa puntos ni Pacman, kung saan umiskor ang dalawang hurado ng 115-112 para kay Pacquiao at ikatlo naman ay 114-113 pabor kay Thurman.

Matapos iaanunsiyo ang desisyon napasuntok ang fighting senator sa hangin bilang pagbubunyi matapos na makumpirma ang tagumpay.

"It was fun," sambit na lang ni Pacquiao . "My opponent is a good fighter and boxer. He was strong."

Mistulang sinopla ni Pacquiao ang mga naunang maanghang na kataga ni Thurman sa pangakong ipapako niya sa krus ang pagiging seryosong mananampalataya ng Pambansang Kamao at tuluyang ipagretiro.

Kinatas ni Pacquiao ngayon ang 62-7-2 rekord na may 39 knockouts, habang unang talo ni Thurman sa 30 laban.

"I'm not that kind of boxer who talks a lot; we were just promoting the fight," aniya.

"He's a good boxer and he's strong. I was just blessed tonight."

"I think I will fight next year," aniya . "I will go back to the Philippines and work and then make a decision." (Louis Pangilinan)